Tungkulin ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao na siguraduhing tinutupad ng gobyerno ang obligasyon nitong pangalagaan at naisasakatuparan ang karapatan ng bawat Pilipino – lalo na ang mga kapos at higit na nangangailangan.
Iba’t ibang serbisyo ang ipinaaabot ng Komisyon, kami ay naglilingkod maging sino ka man—walang pinipili, anuman ang kasarian, lipi, pananampalataya, o katayuan sa buhay.
Kabilang sa mga programa ng Komisyon ang Human Rights Protection Services, Human Rights Promotion Services, Human Rights Policy Advisory Services, at Human Rights Prevention Services
Protection: Ang Human Rights Protection arm ng Komisyon ang nangunguna sa pamamahala, dokumentasyon, at imbestigasyon ng mga paglabag sa karapatang pantao. Kabilang sa kanilang tungkulin ang pagsasagawa ng independent forensics at medico-legal services para makatulong sa imbestigasyon.
Ang Human Rights Protection arm din ang nagpapaabot ng mga payong legal o tulong sa mga biktima ng human rights violations.
Promotion: Ang Human Rights Promotion arm ay binubuo ng human rights education and training programs para higit pang imulat sa publiko ang kanilang mga karapatan – kabilang dito ang human rights advocacy campaigns para mas lalong palakasin ang panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
Responsibilidad din nitong bantayan ang mga suliranin at isyu na may kinalaman sa karapatang pantao, makipag-ugnayan sa mga miyembro ng media, at maglimbag ng mga impormasyon patungkol sa mga karapatang pantao at institusyon.
Policy: Para masigurong patuloy na kabilang sa usapin at pagbuo ng mga polisiya at batas ang mga karapatang pantao, ang Human Rights Policy Advisory arm ng Komisyon ang nagsusulong sa mga advisories, position papers, at mga komento patungkol sa mga umiiral at panukalang batas at ordinansa.
Sila rin ang bumabalangkas ng policy guidelines at nagbibigay ng inputs sa implementing rules and regulations, sa tulong ng iba pang mga ahensya, sa mga bago at natatanging batas na may kinalaman sa mga karapatang pantao.
Inaasahan din sa kanila na i-monitor at mag-submit ng mga ulat sa pagtupad ng pamahalaan sa mga nilagdaan nitong human rights treaties, commitments, at obligations.
Prevention: Ang Human Rights Prevention arm naman ay ang nagmo-monitor ng kalagayan ng mga kulungan, piitan, at maging ang mga rehabilitation centers alinsunod sa aming mandato sa Konstitusyon at mga espesyal na batas.
Sinisigurado nila na ang karapatan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) ay napoprotektahan.
Kalakip nito ang pagpapalawig ng mga kaalaman ukol sa torture preventive mechanisms sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang organisasyon o ahensya ng gobyerno.
May mga programa ding nakatuon sa mga sektor o tema na kailangan ng higit na atensyon.
Dahil layunin ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao na bantayan ang karapatan ng lahat, at siguruhing tinutupad ng gobyerno na isulong ang mga ito.
Ito ang tatak ng serbisyong may malasakit! Ang Komisyon sa mga Karapatang Pantao, patuloy na poprotektahan, tutuparin, at isusulong ang dignidad ng lahat. Naglilingkod maging sino ka man.