Umabot sa kaalaman ng Komisyon ang mga alegasyon ng pang-aabuso ng iilang mga tao at grupo sa mga Human Rights Violations Victims (HRVVs) na nakatanggap ng financial reparation mula sa mga na-prosesong claims ng Human Rights Victims’ Claims Board (HRVCB).
Nariyan ang mga alegasyon ukol sa mga abugado na ngayon ay humihingi ng malaking porsyento sa nakuhang claim pagkatapos tumulong sa mga HRVVs. Mayroon ding mga tumatayong di-umano ay fixers at financiers para tumulong mag-claim ng cheque at iilang sinasamantala ang kakapusan sa kaalaman ng ating mga kababayan na mag-encash ng cheque, magbukas ng account, o makipag-transact sa bangko.
Pinapaalalahan naming ang mga claimants na mag-ingat sa mga pang-aabuso na ito. Maari po lamang na makipag-ugnayan sa mga taong lubos ninyong kilala at mapagkakatiwalaan. Mangyari din na makipag-ugnayan lamang sa mga volunteers ng HRVCB. Malugod nila kayong tutulungan kung kayo ay may mga concerns o katanungan.
Para sa publiko, nawa ay maintindihan natin na ang financial reparation sa mga HRVVs ay ibinigay bilang pagkilala sa kabayanihan at sakripisyo ng lahat ng mga Pilipino na naging biktima ng summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance, at iba pang uri ng malubhang pagyurak at pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Hindi man natin maibabalik ang panahon, pero ang paggawad ng reparation ay isang munting hakbang para mabigyang hustisya ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng Martial Law. Huwag nating hayaang maabuso silang muli.
Ang buhay ng HRVCB ay nagtapos na noong ika-12 ng Mayo 2018. Sa halos 75,000 na claims para sa pagkilala at reparation, mahigit 60,000 ang hindi pumasa sa pamantayang inilatag ng Republic Act No. 10368. Nasa kamay na ng Kongreso kung lilikha silang muli ng isang batas na magpapatuloy kumilala sa mga human rights victims noong Martial Law.
Ang Commission on Human Rights (CHR) at HRVCB ay magkaibang ahensya. Ang HRVCB ay isang attached agency, ngunit hindi napaiilalim sa CHR. Gayunpaman, patuloy na papaalalahanan ng CHR ang iba’t-ibang sangay ng gobyerno na ipagpatuloy ang mga non-monetary reparations na inirekomenda ng HRVCB tungo sa ganap at makasaysayang pagkilala sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. ■