Pahayag ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao kaugnay sa pagkamatay ni Genesis “Tisoy” Argoncillo sa QCPD Police Station 4

Hindi krimen ang pagtambay at hindi lahat ng nakatambay ay kriminal. At sa pagkakataong may malinaw na paglabag sa batas, pinapaalalahanan ng Commission on Human Rights (CHR) ang kapulisan na maging ang mga nakabilanggo man ay mayroong karapatan na dapat irespeto at pangalagaan.

Ang masamang kalagayan sa mga bilangguan, kabilang ang anumang kalabisan, kakulangan, at/o kapabayaan na magreresulta sa kapinsalaan, kapahamakan, o kamatayan ay maaaring ituring na torture o cruel, inhumane, at degrading treatment o punishment, ayon sa ating Konstitusyon, RA 9745 o Anti-Torture Act of 2009, at Convention against Torture na ni-ratipika ng ating pamahalaan.

Binibigyang-diin din ng mga nasabing batas at kasunduan na may pananagutan ang awtoridad na lumabag at/o hindi ginampanan ang mga pamantayan na nakasaad dito. Mahusay na agarang tinanggal sa pwesto ang Quezon City Police District Station 4 Commander na si Carlito Grijaldo. Higit pa rito, nawa’y maibigay agad ang agarang hustisya para kay Genesis “Tisoy” Argoncillo. Sana ang insidenteng ito ay maging hudyat upang repasuhin ng Philippine National Police ang isinasagawang nitong “Oplan Tambay”. Mahalagang magkaroon ng malinaw na tuntunin na titiyak na ang pagpapatupad ay hindi magreresulta sa paglabag sa ano mang karapatan.

Muli, nais naming ipaalala na labag sa Saligang Batas ang paghuli sa sinuman ng walang legal na batayan. Malinaw sa RA 10158 o An Act Decriminalizing Vagrancy na hindi krimen ang pagtambay. Nagdudulot rin ito ng stigma at diskriminasyon dahil nagpaparusa ito batay sa social status, mode of life, at reputasyon ng tao at hindi sa aktwal na aksyon o ginawa ng indibidwal. Nagkakaroon rin ng mga pangamba na tila tayo ay bumabalik sa madilim na panahon ng Martial Law kung saan inaaresto ang mga indibidwal ng walang warrant of arrest kung kaya’t bukas sa pang-aabuso.

Ating tandaan na dapat pantay ang pagtingin ng batas sa lahat. At ang mga batas ay dapat na nagtatanggol sa mga mahihina at mahihirap at hindi ginagamit laban sa kanila.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang CHR sa kaso ni Tisoy. Patuloy din ang pagsasagawa ng CHR ng regular jail visitations at iba pang mga hakbanging alinsunod sa mandato nito.■

DOWNLOAD FILE HERE