Pahayag ni CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline de Guia, kaugnay sa panukalang babaan sa 13 ang edad ng may kriminal na pananagutanat ibang mga polisiya ng administrasyon na makakaapekto sa kabataan

Obligasyon ng Estado ang paghubog ng kabataan. May kaugnayan dito ang doktrina ng parens patriae o ama ng bansa na siyang nagbibigay ng kapangyarihan sa Estado upang protektahan ang mga taong walang kakayahan na magdesisyon para sa kanilang sarili katulad ng mga kabataan. Sa mga pagkakataong lumabag sila sa batas, ang dapat isaalang-alang ay ang agarang pagtuwid sa kanilang asal at tingnan ang mga kalagayan na siyang nag-udyok sa kanila para labagin ang batas. Ang pagpataw ng kriminal na pananagutan sa mga kabataan ay pagpasa sa kanila ng pananagutan at hindi pagkilala sa mga ugat ng suliranin na naging sanhi ng kanilang pagkakasala. Nilalabag din nito ang pangunahing prinsipyo ng pagprotekta sa kapakanan at ikakabuti ng kabataan. Mahalaga na kilalanin at solusyunan ng Estado ang pagkukulang nito kapag hindi nahubog ng tama o lumihis ang mga kabataan.

Hindi pa napapatunayan na ang pagbilanggo sa mga bata ay makakapigil sa paggawa ng krimen o di kaya ay makakapaghinto sa mga sindikato sa paggamit ng mga bata. Sa kabilang banda, marami nang mga pag-aaral ang nagsasaad na ang pagbibilanggo ay mas nakakasama sa kabataan. Kung ang intensyon ay pigilan ang mga sindikatog gumagamit ng mga bata, dapat sila ang tutukan at parusahan at hindi ang mga batang wala pang sapat na kamulatan at maturity.

Iminumungkahi ng Komisyon na gawing prayoridad ang buo at makatotohanang pagpapatupad ng R.A. 9344 o Juvenile Justice Welfare Act (JJWA) upang matiyak na ang mga kabataang lumabag sa batas ay ma-rehabilitate, mabigyan ng sapat na intervention, at maihanda para bumalik sa komunidad at maging produktibong miyembro ng lipunan. Kinakailangan din na maglaan ng sapat na pondo para sa pagtayo ng mga Bahay Pag-asa facilities at pagdagdag ng mga propesyonal para sa rehabilitasyon ng mga kabataang nagkasala sa batas.

Nakasaad sa R.A. 10630 o An Act Strengthening the Juvenile Justice System in the Philippines na ang bawat probinsya at malalaking siyudad ay responsable sa pagpapatayo, pagpondo, at pag-operate ng Bahay Pag-asa sa kanilang nasasakupan alinsunod sa mga pamantayan na itinakda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Mayroong 81 na probinsya at 33 na malalaking siyudad sa Pilipinas subalit mayroon lamang 37 na Bahay Pag-asa sa kasalukuyan. Ilan pa dito ay pinapalakad ng non-government organizations at mayroon din na hindi fully operational dahil hindi matugunan ang pamantayang itinakda ng DSWD. Ito ay nagpapakita na hindi sapat ang pagsisikap ng Estado upang matiyak na ma-rehabilitate ang mga kabataang nagkasala.

Sa usapin naman ng pagpapatupad ng curfew at Oplan Tambay, batid namin na layunin nitong tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga kabataan. Kung gayon, dapat hindi naisasawalang-bahala ang kanilang karapatan at kapakanan sa pagpapatupad nito. Mahalaga na ang paraan na gagamitin ay hindi makakaapekto sa kanilang musmos na kaisipan. Ang mga kabataang nasa lansangan sa hindi tamang oras ay nangangailangan ng paggabay, pagkalinga, at/o rehabilitasyon.

Sa anumang programa at polisiya ng gobyerno na may kinalaman sa kabataan, dapat tiyakin na ito ay hindi makakabalakid sa kanilang pisikal, sikolohikal at emosyonal na pag-unlad.  Inaasahan na ang tugon ng Estado bilang magulang ay pagwawasto at tamang paggabay sa mga kabataan upang matiyak na mapanatili ang kanilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili sapagkat sila’y lumalaki at nagbabago pa.

DOWNLOAD FILE HERE