Mahigit isang taon na ang pandemyang dulot ng Covid-19. Sa mga nagdaang buwan, muling sumailalim sa mas mahigpit na quarantine ang Kalakhang Maynila, karatig na mga probinsya, at iba pang lugar kung saan mataas ang pagkalat ng virus. Patuloy rin na nakapailalim sa iba’t ibang lebel ng quarantine ang ibang mga lugar sa ating bansa.
Habang tumatagal, tumitindi rin ang daing ng sektor ng mga manggagawa dahil sa epekto nito sa iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay—kawalan ng pagkakakitaan; panganib na mahawaan dahil sa kani-kanilang mga trabaho, tulad nalang ng mga frontline at health workers; epekto ng umiiral na krisis pangkalusugan sa mental health ng mga manggagawa; at maging epekto nito sa relasyon sa tahanan, tulad ng paglaganap ng domestic violence at online sexual exploitation ng mga kabataan bunsod na rin ng kawalan sa hanapbuhay.
Sa ating paggunita sa Araw ng Paggawa, pagpupugay at pasasalamat ang ating iniaalay sa lahat ng mga manggagawa, partikular sa mga frontliners at essential workers na patuloy na sinusuong ang panganib para makapagsilbi sa mga maysakit at lubos na nangangailangan; para maging posible sa nakararami na pumirmi sa kanilang mga bahay; at para tiyakin na hindi tuluyang malugmok ang ating lipunan at ekonomiya.
Higit sa pagpupugay at pasasalamat, marapat na ang pagkilala sa kanila ay maipabatid sa pamamagitan ng agarang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan na bahagi ng kanilang mga batayang karapatan.
Sa kabila ng kahalagahan at panganib na dulot ng kanilang propesyon, marami pa ring mga doktor, nars, at iba pang medical professionals ang hindi nasasahuran ng tama at hindi o huli makatanggap ng kanilang mga sahod at karampatang benepisyo, tulad ng hazard pay.
Ang iba pang essential workers sa industriya ng pagkain at agrikultura ay walang ring sapat na proteksyon, benepisyo, at/o suporta para sila’y protektado sa kanilang trabaho.
Marami pa rin ang walang trabaho at hindi makapagtrabaho dulot ng pinaigting na quarantine. Mababatid ang patuloy na paghihikahos ng mga tao sa dami ng mga pumipila araw-araw sa mga community pantries.
May mga bahagi ng bulnerableng sektor na lumalabas at kumakayod para may pangtustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Marami rin ang mga Overseas Filipino Workers na napilitang bumalik dahil nawalan ng trabaho sa ibang bansa. Dumarami rin ang mga manggagawang nawawalan ng seguridad sa trabaho dulot ng pagkalugi ng mga kumpanya at negosyo.
Panawagan natin na mabigyan ng sapat na ayuda ang mga nalugmok na mga manggagawa. Mahalaga rin na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa kanilang kalagayan.
Ikinalulugod natin ang anunsyo ng Department of Labor and Employment na magkakaroon na ng kompensasyon ang mga manggagawa na nagkasakit dahil sa Covid-19 dulot ng kanilang mga trabaho. Sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission, kinikilala na ang coronavirus disease bilang isa sa mga occupational and work-related diseases kung saan ang mga nagpositibo ay maaring makatanggap ng kumpensasyon mula sa gobyerno. Panawagan ng Commission on Human Right na agaran nang mailabas ang mga detalye kung papaano ito ipatutupad, maging ang tukoy na halaga na maaring asahan tulong.
Inaasahan na paiigtingin at pabibilisin ang mga programa at mekanismo na tumutugon sa pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino. Pangunahin dito ang kaligtasan ng kanilang buhay at pangangalaga sa kanilang kalusugan, kabilang ang ligtas at epektibong pagbabakuna laban sa Covid-19. Kasama rin ang proteksyon at kompensasyon na nararapat sa uri ng trabaho at panganib na kanilang sinusuong sa araw-araw.
Batid natin na ang ating mga manggagawa ay nagbibigay ng mga mahahalagang serbisyo at mga pangunahing pangangailangan maging may krisis man o wala. Sa kahirapan at kawalan ng kabuhayan dulot ng pandemya, tiyakin natin na hindi sila mapag-iiwanan sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang karapatan at dignidad.
Sa huli, ang kalakasan ng bansa ay nakasalalay sa pagbangon ng bawat manggagawang Pilipino.