Inuulit namin ang aming lubos na pagtutol sa panukalang babaan sa 9 ang edad ng may kriminal na pananagutan. Ang rason na binanggit ng mga nagpanukala ay upang proteksyonan ang mga bata mula sa mga sindikatong gumagamit sa kanila. Kung gayon, ang dapat pagtuunan ay ang pagtugis sa mga sindikato at pagtiyak na mapatawan sila ng mabigat na kaparusahan sang-ayon sa batas.
Ang pagpasa ng responsibilidad at pagpataw ng kaparusahan sa mga bata para sa pagkakamali at pang-aabuso ng iilang tao at sindikato ay taliwas sa responsibilidad ng Estado na pangalagaan ang interes at kapakanan ng mga bata. Bukod pa dito, hindi pa napapatunayan na ang pagbibilanggo sa mga bata ay makapipigil sa paggawa ng krimen, bagkus ay nakasasama sa kanila ayon na rin sa mga pag-aaral. Ilan sa mga masamang epekto nito sa mga bata ay stigmatisation; ang posibilidad na maging repeat offender; at iba’t ibang masamang epekto sa pisikal, mental, at emosyonal na pag-unlad ng bata. Samakatuwid, sa halip na pangalagaan, ang naturang panukala ay maaring tanggalan ng magandang kinabukasan ang mga batang binabansagang kriminal sa murang edad.