Kinikilala ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao ang malaking ambag at masiglang pakikilahok ng mga kababaihan sa kanayunan sa ekonomiya’t gawaing agrikultural sa bansa. Malaking pundasyon ng agrikultura sa Pilipinas ay nakasalalay sa kamay ng ating mga kababaihan partikular ang pangangalaga ng mga lupang sakahan, at pagkalinga sa mga miyembro ng mga magsasakang pamilya. Hindi man matatawaran ang kanilang kontribusyon, patuloy pa rin nilang kinakaharap ang iba’t ibang uri ng diskriminasyon at pang-aabuso.
Kasalukuyang reyalidad sa ating bansa na mas mataas ang insidente ng kahirapan sa mga kanayunan kung kaya’t mas limitado ang access ng mga kababihan sa mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon, kalusugan, at kabuhayan. Dagdag pa rito, limitado rin ang karapatan nilang magmay-ari ng lupa na sentral sa buhay ng mga magsasaka.
Karamihan sa kanila ay kabilang sa impormal na sektor ng ekonomiya kung kaya’t mas kakaunti ang mga mekanismong magbibigay proteksyon sa kanila mula sa iba’t ibang uri ng paglabag.
Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling mas mababa ang pagpapahalaga sa kanilang lakas-paggawa bilang mga babae. Hindi laging natutumbasan ng karampatang bayad ang kanilang serbisyo mula sa pagtatanim hanggang sa pagbebenta ng kanilang mga produkto. Kadalasan ring mas mababa ang natatanggap nilang sahod kumpara sa mga lalaking magsasaka kahit na magkatumbas ng bigat ang kanilang mga gawain.
Ngayon na mas tumitindi ang mga pagbabago sa kalikasan dulot ng climate change, mas tumitingkad din ang mga suliraning kinakaharap ng mga komunidad sa kanayunan. Kinakailangan nilang sumabay sa mga pagbabagong ito dahil direktang nakakaapekto ito sa kanilang pamumuhay at seguridad sa pagkain. Sa mga panahong nagkakaroon ng sakuna sa sakahan o di kaya’y pagkalat ng sakit, mas bumibigat ang responsibilidad ng mga kababaihan na magtrabaho sa bukid at mag-alaga ng mga may sakit na kapamilya.
Kinakailangan nating bigyan diin na may ibang pangangailangan ang mga kababaihan sa kanayunan mula sa mga kababaihan sa lungsod na dapat bigyang pansin ng pamahalaan. Ang pagbibigay kaalaman at oportunidad sa kanila upang makaahon sa kahirapan ay dapat maging prayoridad, gayundin ang pagsasangkot sa kanila sa pagsolusyon sa mga isyu’t desisyong nakakaapekto sa kanilang mga komunidad. ###ObligasyonAtKarapatan